MHOTIVATED
Ginto
1st Verse

Dalawampung taon, panahon na yata 'to ng pag titino
Nais ko lang ibahagi ang mga bibihira ko lang mai-kibo
Mga alaalang GINTO sa anuman na naging kabanata nito
Ang pag-ibig sa bawat ugnayan ang kayamanan na syang naitatabi ko

Simula sa babaeng nagsabi sa akin na dapat ay manindigan ako
Kat'wiran nyang wag mong pamamarisan ang pang-iiwan ng ama mo
Maraming salamat sayo, paumanhin na rin kung napa-aga ako
Eto ako't dala ko ang pangaral mo, karga ang mahal mong apo

Wala mang haligi lubos ang tyaga mo sa akin
Sa paghalili nyo na parating nar'yan lang, maging sa mga t'yahin
Sa lola at nobya kong nagtiis sa'king perwisyong kung susumahin
Ay kasing dami rin ng sakripisyo nyong ang pasaway na to'y mas unawain

Mga lumaking kasabay, pinsang-buong naghiwa-hiwalay
Sa ngayong nahahagilap sa mundong magulo kung anong ikatitiwasay
Ngunit ang nasa isip ko ay marating man ang hindi akalain
Sa paglalakbay, nasa lilingunin pa rin ang magagandang tanawin



2nd Verse

Mga kababata, kasa-kasama at mga nakalaro kong kapwa pikon
Maging sa mga nakilala ko sa paggawa ng mga maling desisyon
Sa una kong subok, mga nakitawa at kakuntsabang naging saksi no'ng
Pa ubo-ubo pa ko sa unang buga at pagsusuka ko sa unang inom

Kapuyatan, laging konsumisyon sa mga tanod
Mga kaklaseng kasabay kong umuwi pag tumatawid dun sa bakod
Mga katrabahong ka-utangan at kapangakuan tuwing sahod
Silang mga kasangga kong sa kalokohan, nagpapakalan ng apog

Mga kasindihan kong magdamo, kabilang na ang ilang 'di tumino
Na sa dating halaman lang, nung nalasahan na ang kemikal, 'di na nagawa pang huminto
Mga alok nyo man ay aking nabigo, nawa'y ipagpaumanhin ninyo
Sa halip, tanawin nyo na pagkasagip ang naging kapalit ng pagtanggi ko

At sa ngayon, kamustahan nalang, napabuti man o mas nalulong
Tanguhan na lang sa mga pagkakataong sa daan ay magkakasalubong
Dala ko pa rin ang naranasan ko no'n, marating man ang 'di akalain
Higit sa destinasyon ay nasa paglingon pa rin ang magagandang tanawin


3rd Verse

Mga alaalang nasa litrato o mga imahe na nasa isip
Baliktanaw kong tinatrato bilang mga buhay na panaginip
Na kadalasan kong sinisilip sa mga oras na matahimik
Tanging nanatili kong baon sa pabago-bagong paligid

Marating man ang kaibuturan ng mga pangarap mong kinasasabikan
Wag mong kakalimutan lahat ng nasa 'yong pinagmulang 'di mapapalitan
Dahil ang iyong matututunan kung sakaling dumating ka sa kasawian
Wala ka mang mapatunguhan ay mayroon ka namang mababalikan