Quest & Juan Miguel Severo
Sige Lang x Pagsisisga sa Tabing Dagat
(Quest)
Kung ako sayo tumayo ka ng dyan
Huwag ka nang magpahuli kami ay sundan
Patungo sa liwanag, aabutin ang tala
Pagkatapos pakita sa mundo pusong nag babaga
Unang lahat ay mamulat sa aking susulat
Parinig sa lahat ang aking iuulat
Huwag ka nang mabahala ako ang bahala
Kasangga natin si Bathala

(Juan Miguel)
Ikaw na umibig sa kanya, umibig ka pa
Ibigin mo siya sa kabila ng kanyang mga pagkukulang
Ibigin mo siya para sa kanyang mga pagkukulang
Basta't umibig ka pa
Ito ang iyong pagkakataon, ang hinihintay na sandali
Maging mas malaki maging buo maging parola ng dilim
Maging pantalan, buksan mo ang iyong mga kamay
Para sa pagragasa ng mga alon
Sanayin ang iyong dibdib sa pagtanggap
Sa kanilang mga inaanod hindi lang sa kanya, umibig ka
Ibigin mo siyang mukhang di maalala
Sa araw-araw na pagsakay ng tren
Silang ibang wika lang ang kayang bigkasin
Silang duguan, silang markadong makasalanan
Ibigin mo ang batang nag aalok sayo gabi-gabi ng bulaklak
Yan ang halimuyak ng isang kuwentong nagpupursige
Sa labas ng yong mundo, ibigin mo ang kanilang mundo
(Quest)
Ilabas ang yong pangarap
Huwag mo yang itatago
Samahan mo ng sipag at tatag ng puso
Tumayo ka sa yong silya
Ikaw ngayon ang bida
Wala nang pipigil pa eto na, eto na

(Juan Miguel)
Ibigin mo tong mundo sa kabila ng taglay nitong dilim
Hayaan mo ang sariling magningning
Tandaan ikaw ay anak ng araw at mga bituin
Kaya mong kuminang isinilang ka man sa gitna ng gabi
Kaya sindihan ang iyong ilaw
Wag mo tong ikahiya, ngayon higit sa kailanman
Kailangan ng mundo ang iyong apoy
Yung alab na walang tinutupok na lungsod o kagubatan
Walang inaabong bahay dasalan o sayawan
Walang inaabong silid-aralan
Walang pinapatay ang pag-ibig
Kundi ang dilim
Kundi ang dilim

(Quest)
Hanggang ako’y humihinga
Sugod lang laban pa
Pangarap abutin
Kumislap tulad ng mga bituin
Sige lang, di ka nagiisa
Sige lang sige pa!
(Juan Miguel)
Kaya heto, ito ang iyong imbitasyon upang magliyab
Heto ang balitang ituring mong panggatong
Heto kaming mga kaibigang kiligin sa'yong siga
Nakaupo sa buhangin, nakabantay sa dalampasigan
Makikinig sa kuwento at pipilitin
Na piliin ang pag-ibig sa simula hanggang huli
Mahaba pa ang gabi
Pero magniningning pa rin ang ating apoy sa tabing dagat
At sinong umiibig?
Ang hindi handang magpuyat
Sinong umiibig?
Ang hindi handang magpuyat

(Quest)
Walang imposible sige lang ng sige
Abot mo ang mundo
Malapit o malayo sama sama tayo
Hanggang sa dulo
Ano man ang pagsubok
Hindi susuko, alam kong kaya mo
Sige lang sige! Sige lang sige!
Walang imposible!

Walang imposible!
Walang Imposible!
Sige lang sige! Sige lang sige!